KWENTONG MODYUL. Ang Magugpo Pilot Central Elementary School, isa sa pinakamalaking mababang paaralan ng Tagum City, ay may samot-saring mga reaksyon at kwento mula sa mga magulang at mag-aaral sa paggamit ng kanilang modyul kung saan dalawang linggo na ang nakalipas mula ng magsimula ang pasukan.
Isa si Malou Estillore na may anak sa ika-apat at unang baitang mula sa nasabing paaralan ang naglabas ng kanyang saloobin tungkol sa kanyang karanasan sa pagtuturo gamit ang modyul. Ayon sa kanya, hindi madali at kailangan ng mahabang pasensya ang magturo.
May mga panahon na kailangan niyang pagalitan at bigyan muna ng snacks ang kanyang anak para lang sumunod at sumagot sa mga aralin. Bilang isang magulang na hindi nakapagtapos ng pag-aaral ay nahihirapan siyang intindihin at kung paano ipa-abot sa kanyang mga anak ang mga leksyon.
Minsan pa nga ay humihingi siya ng tulong sa kanilang kamag-anak para lang mas maintindihan at maipaliwanag sa anak ang nakasulat sa modyul. Nahihirapan din siyang pagtimbangin ang kanyang oras. Bukod sa kanyang trabaho ay kailangan pa niyang turuan ang kanyang isang anak na nasa unang baitang.
Ngunit sa kabila ng mga hinaing ni Malou ay lubos ang kanyang paghanga sa mga guro sa walang humpay na pasensya, dedikasyon, at karunungang taglay para maimulat ang isipan at linangin ang kahusayan ng kanilang mga anak.
Saludo rin siya sa mga guro ngayon dahil sa kabila ng pandemya ay puspusan ang kanilang paghahanda at paghihirap sa paggawa ng modyul upang maipagpatuloy pa rin ang pag-aaral ng mga kabataan.
Nahinuha rin niya na ang pagtuturo ay pangunahing responsibilidad ng isang magulang. Ayon sa kanya, dali-dali siyang umuuwi galing trabaho para lang maturuan ang kanyang mga anak.
Bukod sa marunong na siyang paghatiin ang kanyang oras ay natutuwa rin siya sa mga bagong kaalamang napupulot mula sa modyul sa pamamagitan ng pagtuturo. Bagkus ay nagsilbi itong bonding ng mag-ina na kalimitan nilang nagagawa bago ang pandemya.
Iminungkahi niya sa ibang magulang na nawa’y huwag sisihin ang mga guro o ang Kagawaran ng Edukasyon sa pagbibigay pasanin sa kanila sa pagtuturo ng kanilang mga anak at gawin ang kanilang obligasyon. Gawin din nilang inspirasyon ang mga paghihirap ng mga kaguruan at lubusin ang panahong ito upang matuto, mas mapalapit sa kanilang mga anak, at bigyan ng pagpapahalaga ang edukasyon.
Ayon kay DepEd Undersecretary, Diosdado M. San Antonio, inasahan na nilang ang modular instruction ay magdudulot ng kalituhan o reklamo sa mga kabataan lalung-lalo na sa mga magulang. Walang dapat ikabahala dahil nandiyan pa rin ang mga guro na handang tumulong at ipa-unawa ang mga leksyon.
Sa kabila ng panawagan na “academic freeze” ng ilang sector dahil sa kasalukuyang kalagayan ng ating bansa dulot ng Covid-19, nanatiling matatag at matagumpay ang Department of Education na ipagpatuloy ang pagbubukas ng klase nito lamang Oktubre 05, 2020.
Mariing sinabi ng Kalihim ng Kagawaran, Dr. Leonor M. Briones, na sa pagpapatupad ng “blended” at “distance learning approach” sa pamamagitan ng “online classes, printed and digitized learning modules”, telebisyon at radyo, ay maibabahagi ang mga asignatura na kailangang matutuhan ng mga mag-aaral anuman ang estado sa buhay.
Ayon sa datos ng Deped, nasa mahigit 25 milyong mag-aaral na ang nakapag-enrol sa mga pambupliko at pribadong paaralan ngayong taunang pasukan kung saan nasa 59% mag-aaral ang gagamit ng printed module, 20% ang online, at 20% din ang offline digital samantalang ang telebisyon at radyo ay magiging pandagdag lamang.
Ang Modular Learning ay ang backbone ng Deped sa pagsasagawa ng distance learning program dahil problema ng nakararaming kabataan ang pagkamit ng teknolohiya gaya ng kawalan ng gadgets at internet connection. Isa rin itong mabisang paraan sa pagpaliban ng face-to-face classes hanggang magkaroon ng bakuna kontra Covid-19.
Gayunpaman, maraming agam-agam, mga tanong at reaksyon lalo na sa mga magulang kung saan sila ang pangunahing tagapagturo sa kanilang mga anak ng mga leksyon gamit ang mga modyul.
Positibo man o negatibo ang iyong maririning mula sa kanila ay mananaig pa rin ang nais ng mga magulang na matuto at makapag-aral ang kanilang mga anak sa kabila ng pandemya upang makamit ang kanilang pangarap sa buhay.
Isinulat ni Kaye P. Omapas, MPCES, Tagum City