Madalas sinasabi ng karamihan na nauupos ang liwanag sa gitna ng mga hamon sa buhay. Marahil, ang pahayag na ito ay kabalintunaan sa katotohanang mas nakikita ang liwanag sa gitna ng karimlan.
 
Nito lang ika-5 ng Mayo, pinatunayan ng Tagum City National Comprehensive High School na ang tagumpay ngayong panahon ng pandemya ay hindi suntok sa buwan, bagkus ito ay daan upang mas paningningin pa ang diwa ng pag-asa.
 
Nailarawan sa tema ng programa ang tagumpay at pag-asa ngayong panahon na “4Front Triumphs: Embracing Challenges; Celebrating Milestones” na sumasalamin sa apat na kaganapang magiging tulay upang masungkit ang hangaring pang-edukasyon para sa kabataan.
 
Bilang tanda ng unang hakbang sa pagtupad ng pangakong tulong at suporta, masigasig na lumagda sa Memorandum of Agreement ang mga private partners na dinaluhan ng mga kinatawan mula sa AlfaLink Total Solution Corp., Dumaguit Herbal and Wellness Center, MuzikHouz Lights and Sounds, at LTS Malls Inc.
 
Itinampok din ng programa ang pagpasinaya sa Handurawan Gallery Café kung saan makikita ang mga makasining na output na sadyang ipininta, inukit at binuo ng mga guro at mag-aaral sa Junior at Senior High School na maaaring mabili sa mas abot-kayang halaga.
 
Samantala, nagkaroon din ng re-launching ang LANTAW Compre Studio upang mas magkaroon ng komportableng lugar para makabuo ng mga learning episodes bilang karagdagang pamamaraan sa blended learning na dulog para sa mag estudyante
 
Kinilala ng punong-guro na si Dr. Judith P. Magsipoc ang naging kabahagi ng tagumpay na ito. Kasama sa kanyang binaggit ang mga masisipag na mga teaching at non-teaching personnel, PTA officials, mga partners at ang Division ng lungsod Tagum na nagsilbing motibasyon upang mapanatili ang katatagan at pag-asa para sa kapakanan ng kabataan at edukasyon.
 
“It is your commitment and dedication that have been put to test and you were able to prove the world that while you can work under ordinary times, all the more that you can work under extra ordinary times,” mula naman sa pahayag na ito ni Dr. Josephine L. Fadul schools division superintendent.
 
Ipinahiwatig niya na mahalaga ang dedikasyon ng bawat isa lalo na kung ang pag-uusapan ay ang pagpapahalaga sa buhay ng bawat isa upang maging posible ang lahat ng tagumpay sa kabila ng krisis.
 
Bilang dagdag sa kaparaanang inilatag upang pasiklabin ang pag-asa, aasahan naman ng mag-aaral ng TCNCHS ang lingguhang W.A.T.C.H on the Air episodes na magtatampok sa mga programa at proyekto ng paaralan na iaangkla rin sa adbokasiya ng pagkamaagap at pagkamatapat.
 
Hindi naman pinalampas ng mga matataas na kawani ng Division ng Tagum na saksihan ang tagumpay na ito ng paaralan. Kasama sa mga dumalo ay sina ASDS Dr. Melanie Estacio, Tagamasid Pansangay sa English Dr. Darwin Suyat, Tagamasid Pansangay sa Filipino Dr. Cristy S. Agudera, Tagamasid Pansangay sa Math Dr. Maria Fe Sibuan at Division Partnership Focal Mr. Anwar E. Maadel, Dr. Cecilia Esnardo at iba pang mahahalagang personahe.
 
TCNCHS Documentation Team