Mas ilalapit na sa mag-aaral ang paaralan na mag-aalok ng edukasyon kaugnay sa sining bunga ng pagsagawa ng unang hakbang sa pagpapalawig ng Special Program in the Arts sa Division Orientation ng DepEd Tagum nitong Pebrero 18.
 
Layunin ng nasabing oryentasyon na mag-benchmark sa Tagum City National Comprehensive High School (TCNCHS) ang mga potensiyal na paaralan upang matagumpay na ma-implementa ang SPA kurikulum sa kani-kanilang paaralan.
 
Bukod sa TCNCHS na nagsilbing punong-abala sa programa, ilan sa mga tinukoy na paaralan ang nagpadala ng kani-kanilang mahuhusay na guro bilang kinatawan ay ang Tagum National High School, La Filipina National High School , Tagum National Trade School at Laureta National High School.
 
Kaugnay nito, nagpahayag naman ng matinding suporta si Schools Division Superintendent Dr. Josephine L. Fadul sa planong ito ni Dr. Darwin F. Suyat, Division SPA Coordinator.
 
Aniya, isa itong hakbang upang mas mapalakas pa ang pagpapahalaga ng mga kabataang Tagumenyo sa sining at kultura at upang mas maipakita ang kahusayan ng Tagumenyo sa sining sa rehiyonal at nasyonal na antas.
 
Binigyang-diin din ni Dr. Suyat ang maitutulong ng oryentasyon na ito upang maging posible ang malaking plano at layunin ng DepEd Tagum sa paglinang ng kasanayan ng mga kabataan sa sining.
 
“With the perspective of offering students a broader, more accessible and possibility of art up-skilling, learning and appreciation, this Division Special Orientation of Special Program in the Art aims to provide an avenue to capacitate potential schools in benchmarking the guiding principles in the implementation of SPA curriculum in their own schools”, wika pa ng Division SPA Coordinator.
 
Sa huli, naging matagumpay ang nasabing oryentasyon dahil din sa pagtutulungan ng punong-abala sa pangunguna ni Gng. Maribel B. Plana, TCNCHS SPA Coordinator at ng kanyang mga mahuhusay na kasamahan sa SPA. Naging mahigpit din ang pagsunod sa minimum health standard protocol habang isinagawa ang oryentasyon na nagkaroon lamang ng 25-30 mga partisipante.
 
Isinulat ni Shiela May R. Abucay