Babyahe na ang e-learning wheels na handog ng pamahalaang lungsod ng Tagum sa DepEd Tagum City matapos itong pormal na mabasbasan nitong Pebrero 18. Inaasahang ang mga ito ay magbibigay ng kombenyenteng pag-aaral sa mga estudyante ngayong panahon ng new normal.
Pinangunahan ni Mayor Allan L. Rellon ang pag-abot ng nasabing donasyon na bagong sasakyan na tutulong sa paglibot, paghatid at pagkuha ng mga learning materials tulad ng modyuls. Magdadala rin ito ng mga handog na gadgets na maaaring mahiram at magamit lalo na ng mga ALS learners at sa mga mag-aaral na nakatira sa malalayong barangay.
Inaasahan na makakatulong ang mga handog lalo na sa mag-aaral at pamilyang may suliraning pinansyal kaya malugod at masayang tinanggap ni SDS Josephine L. Fadul ang nasabing mga donasyon kasama sina CID Chief Christine Bagacay, ALS Supervisor Leila Ibita, at PEESO Manager Rogeneth P. Pagdilao.
Gayundin, tiniyak naman ng DepEd na ang mga donasyong mga gadgets at sasakyan na ibinigay ng lungsod at Rotary Club of Golden LACES ay makakapagpabilis ng pag-access sa kalidad na edukasyon at makapagpapagaan sa hamon na nararanasan ng ilang mga magulang at mag-aaral lalo na ngayong panahon ng pandemya.