Binulabog ng banta ng pandemya ang buong mundo sa patuloy na pagkalat ng COVID-19 na kung saan ay maging ang sektor ng edukasyon ay lubhang naapektuhan. Sa kabila ng matinding pagsubok, isang programa ang nagsilbing katuwang ng mga mag-aaral ng Mataas na Paaralan ng A.O. Floirendo sa kanilang pag-aaral.
 
Kilala sa tawag na Gabay Mo Tagumpay Ko Program na inilunsad sa kalagitnaan ng Marso nitong taon, ang sistemang ng pagtuturo ay idinesenyo upang matugunan ang pangangailangan ng mga estudyante sa larangan ng edukasyon.
 
Sa ilalim nito, aktibong nakikibahagi ang mga estudyante sa ‘mentoring program’, inaasahan na ang mga “independent learner” ang gagabay at magtuturo sa kapwa nila mag-aaral na “instructional learner” na nasa parehong komunidad. Kaakibat dito ay ang kaukulang gantimpala para sa tagapagturo upang masuklian man lang ang kanilang hirap.
 
Isa si Maria Daniela Guinita,17, mag-aaral ng nasabing paaralan, ang nagpresenta na lumahok sa umano’y programa dahil batid niya kung gaano kahirap mag-aral lalong lalo na sa ganitong sitwasyon na walang harap harapang presensya ng mga guro. Walang magpapaintindi ng lubusan sa mga leksyon.
 
Mahirap at hindi sanay. Ito ang lingguhang penitensya ni Maria at ng mga mag-aaral nang magsimula ang klase.
 
Ramdam ni Maria na kahit wala pang pandemya ay marami pa din sa kapwa niya estudyante ang nangangapa sa klase at nanganganib na hindi pumasa subalit mas pinahirapan pa raw umano ng krisis ang ganitong sitwasyon kaya hindi na siya nag atubiling magboluntaryo para tumulong.
 
Kwento pa ni Maria, sa kabila man ng pagod ay nasisiyahan pa rin siya sa pagtuturo sa kapwa niya mag-aaral dahil madali lang umano itong makaintindi at hindi na rin bago sa kanya ang ganitong gawain sapagkat may karanasan na siya.
 
“Dati naka experience nako ug tudlo-tudlo, I think elementary pa ko ato nag tudlo-tudlo ko sa student. Lami kaayo sa feeling nga naa kay matudloan. Usahay kapoy pero imuhang kakapoy is mawala ra man siya the way na imuhang gitudloan na makasabot dayon,” dagdag ni Maria.
 
Para naman kay Cristine Sedero,16, ang tinuruan ni Maria, lubos siyang nagpapasalamat sapagkat mayroong ganitong programa na kahit papaano ay may gagabay at tutulong sa kanya sa pag-aaral at sa pagsasagot ng mga gawain.
 
May mga pagkakataong sobrang nahihirapan daw si Cristine sa pag-iintindi ng mga aralin dahil nga walang gurong nagtuturo sa harap niya bunsod nga na ipinagbabawal muna ang face-to-face classes kaya hindi na siya nagdalawang isip na sumali na rin sa programang Gabay Mo Tagumpay Ko ng paaralan nang sa ganoon ay makapasa siya sa klase.
 
Pinatunayan nila Maria at Cristine na mahirap nga matuto sa gitna ng pandemya ngunit mas mahirap naman kapag wala kang matutunan. Makakamit lamang ito sa pamamagitan ng pagtutulungan.
 
Sabi nga sa isang tanyag na kasabihan, “Ang edukasyon ang susi sa magandang kinabukasan,” iyan ang nagsilbing motibasyon ng dalawa at ng iba pang lumahok sa programa ng naturang paaralan na walang ibang layon kundi ang mapabuti ang kapakanan ng mga estudyante.
 
Tinatayang nasa mahigit 24 milyong estudyante sa buong bansa sa taong 2020-2021ang sumabak sa bagong pamamaraan ng klase, marami sa kanila ang napapasubok kung paano nila mairaraos ang ganoong uri ng pag-aaral kung kaya para sa tulad nila Maria at Cristine, ang nasabing programa ay malaking kaagapay upang mapagtagumpayan ang hamon ng edukasyon sa kalagitnaan ng kinakaharap na pandemya.
 
Isinulat ni Honey May N. Amet, Grade 11 learner