Takot man at pagkabagabag ang sumubok sa bawat damdamin, namayani pa rin sa mga puso ang masidhing pagnanais na matuldokan ang banta sa panganib ng lumalalang pandaigdigang pandemya.
 
Si “Nelia”, na kilala bilang Dr. Nelia Q. Madelo, isang education program supervisor sa Filipino, ay isa sa 35 empleyado ng DepEd sa Sangay ng Davao Occidental (SDO) ang sumuong sa hamon ng pagpapabakuna laban sa Covid-19.
 
Kagaya ng nakararami, simulat sapol pa’y bahag na ang buntot ni Nelia sa ideyang Covid vaccination. Marahil ay bunga ito ng masalimuot na kaganapan sa lipunan dahil sa mga fake news o erroneous news.
 
Siguro’y dala na rin sa kawalan ng matinong kaalaman tungkol sa kabutihang maidudulot ng pagpapabakuna. Subalit sa natantong kaalaman na ang pagpapabakuna ay ang pangunahing mekanismo sa pagsagip ng buhay, sa kalauna’y nagpaturok na rin si Nelia ng Sinovac na siyang bakunang kasalukuyang mapapakinabangan sa lupalop ng Davao Occidental. Ito’y sa pagnanais na mapabilang sa tinatawag na herd immunity.
 
Sinasabing mabisa ang Sinovac na gawa ng Tsina laban sa Covid-19. Ayon sa mga dalubhasa ang pinakamabang bisa nito ay 50%, bagamat iba-iba ang bahagdan ng epekto nito sa bawat lugar kung saan ito’y pakikinabangan.
 
“Para sa akin, hindi sarili ang iniisip ko dahil edad 55 na ako’t palipas na. Kung nagpabakuna man ako, ito’y dahil gusto kong makatulong sa iba, sa mga katrabaho’t kapamilya bilang kaisa sa community immunity.”
 
Tunay ngang dakila kung maituturing ang adhikain ni Nelia. Kawangis ng ipinagbubunying pananaw nina SDS Dr. Lorenzo E. Mendoza, ASDS Dr. Antonio P. Delos Reyes, at sampu ng kanilang mga kasamahan sa Departamento na lumahok din sa gawain na pinaniniwalaang wawakas sa suliraning pangkalusugan na ito.
 
Ang layuning aabot sa 95% ang mapabilang sa makakatanggap ng bakuna sa SDO upang masagip ang iilang mga kasaping hindi maaaring tatanggap nito sa bisa ng herd immunity ay hindi imposible, kung kagaya ni Nelia, buo rin ang loob ng nakararami na makiisa sa gobyerno sa mga hakbangin laban sa pandemya.
 
Ang simpleng pakikibahagi ng responsibilidad sa sarili at sa lipunan kagaya ng nagawa ni Nelia ay masasabing isang kadakilaan. Sa puntong iyan, matatantong akma ang pamansag ng DOH, “Resbakuna Kasangga ng Bida.”
 
Isinulat ni Raymond S. Aquino