Bayanihan sa new normal, pinaigting sa paaralan ng Babanganan
Pinalakas ang ugnayang pampaaralan at mga kasapi ng pamayanan matapos tumanggap ng donasyon ang Babanganan Elementary School (BaES) mula sa kababayang Tagumenyo.
Malaking tulong ang natanggap ng paaralan mula sa pamilya ni Kyla Alexa Leong na namahagi ng 38 sako ng bigas at mga flash drive para sa mga mag-aaral at mga guro ng BaES bilang paghahanda sa pagbubukas ng pasukan sa ilalim ng bagong normal at natamong gawain sa Brigada Eskwela.
Sa kaniyang mensahe, hinikayat ni Leong ang mga mag-aaral na maging matatag at ipagpatuloy ang pag-aaral sa kabila ng banta ng pandemyang COVID-19.
“To the students of this school, I urge you never to lose hope because your life as a learner must continue despite the threats posed by this pandemic,” ang payo niya.
Suportado nina Nelia Cuaresma-Leong at amang Singaporean national na si G. Andy Leong ang adhikain ng anak na tumulong mapagaan ang gastusin ng bawat pamilya sa pagbili ng flash drive bilang kagamitan sa pagkatuto sa pagsisimula ng klase.
Pinasalamatan ni Punongguro Dr. Leah Gonzales ang pamilya Leong at kasama si Dr. Arlene Baldonado, public schools district supervisor, na naging daan upang mahandugan ng tulong ang paaralan.
“Words are not enough to thank you for your selfless initiative. Thanks also to PSDS Dr. Arlene Baldonado together with Mr. Sam Emmanuel Sombiro and Atty. Kathy Florence Baldonado and Bb. We-Am Ahmed for leading our donors to this school,” tinuran ni Gonzales.
Ikinagalak nina Tagapamanihalang Pansangay Dr. Josephine L. Fadul at Pandibisyong Tagapag-ugnay sa Brigada Eskwela Anwar Maadel ang suportang natanggap ng BaES simbolo ng malakas na ugnayan ng paaralan at komunidad bilang paghahanda sa Oplan Balik Eskwela.
Maliban sa pamilya Leong, nakatanggap din ng iba pang donasyon ang Babanganan ES mula pampribado at pampublikong sektor lalo na sa lokal na pamahalaan ng Lungsod ng Tagum.
Isinulat ni Anwar E. Maadel, Cristy Agudera, Ignacio L. Jubahib, Zimrose R. Pedrera