Kamangha-mangha, kaaya-aya, at kawili-wili, ito ang mga salitang mailalarawan sa mga makabagong paraan ng Cabili Elementary School sa paghahatid ng edukasyon lalo na sa larangan ng pagbabasa kahit ngayong panahon ng pandemya.
Kinagigiliwan ngayon ng mga mag-aaral ng paaralan ang opisyal na Facebook page ng paaralan, ito ang CRC Page o Cabili Reading Center Page.
Patuloy na isinusulong sa gitna ng nakakatakot at nakakalungkot na sitwasyon na dulot ng pandemya ang kalidad na edukasyon sa pagbabahagi ng mga online stories sa tulong ng mga makabagong teknolohiya at applications tulad ng Kinemaster, Google Meet, at iba pa.
Nilalayon ng nasabing programa na maabot ang mga mag-aaral sa kani-kanilang mga tahanan upang maging kaagapay nila sa home learning at hikayatin sila na matuto at magbasa sa pamamagitan ng pagpapalabas ng online storytelling.
Ibinibida rito ang mga kaguruan ng Cabili Elementary School. Bawat linggo ay may isang guro na magbabahagi ng malikhaing pagkukuwento online at ipinalalabas ito sa Facebook page ng paaralan.
Pormal na ipinalabas ang kauna-unahang online storytelling ng nasabing Facebook page noong March 9, 2021. Sa pagtutulungan ng mga guro ay nakagawa na sila ng tatlong episodes na kung saan ang unang nagbahagi ng malikhaing pagkukuwento ay ang Kapuso artist na si Barbara Miguel kasama ang kanyang mga kapatid.
Ayon pa kay Harvey L. Ledama, 8, mag-aaral sa ikalawang baitang ng seksyon Gomez ,“Giganahan ko magsulat ug magbasa.” Naging bukam-bibig niya ng mapanood ang mga episodes ng CRC-Cabili Reading Center Page.
“Nalingaw ko samtang ako kining ginahimo,” dagdag pa niya. Nagbigay ito sa kanya mga bagong kasanayan at kaalaman.
“Ang akong masulti sa CRC-Cabili Reading Center page is maayo kay naay mga makalingaw ug makatuon pud ang mga bata sa ilang ginatan aw dinhi ani nga group page,” dagdag na mensahe ng ina ni Harvey na si Zosima Ledama.
Patuloy pa rin sa paggawa hanggang ngayon ng mga online storytelling ang mga kaguruan sa nasabing paaralan upang patuloy na makabahagi ng mga kaalaman sa bawat bahay ng bawat mag-aaral ng paaralan.
Maalon man ang mga paglalakbay tungo sa kalidad na edukasyon ngunit sa bandang huli ay mapagtatagumpayan pa rin ito kung ang bawat isa ay mayroong positibong pananaw at pagtutulungan.